Isinagawa ang unang “Parents Assembly” sa Paaralang Elementarya ng Fourth Estate apat na araw bago ang simula ng klase sa panuruang taon 2023- 2024 sa pangunguna ng kanilang punongguro, Dr. Teresita S. Rodriguez. Ito ay maayos at matagumpay na ginanap noong ika-24 ng Agosto, 2023. Ang pagtitipong ito ay naglalayong matutuhan ng mga magulang ang tungkol sa patakaran ng paaralan, makikilala ang pamunuan, mga guro, at mga kawaksi. Sa pamamagitan nito, mabibigyan sila ng pakiramdam ng pagiging kabilang at magsimulang kumonekta sa bawat isa, bilang mga “stakeholders” para sa ikauunlad at ikagaganda ng paaralan.
Sa kanyang mensahe, pinarating ni Dr. Rodriguez sa mga magulang na sila ang katuwang ng mga guro sa paghubog sa mga mag-aaral upang maging mas disiplinado, responsable, at mas mabuting mamamayan ng bansa. Malugod na pinakilala ng mga dalubguro na sina Gng. Jocelyn C. Palean at Gng. Jacinta M. Dado ang mga kinapipitagang guro at kawaksi ng paaralan. Iniharap naman ni Gng. Glady A. Mutya, dalubguro, ang “locator’s map” para sa mabilisan at maayos na paghahanap ng mga silid-aralan ng mga bata. Napakahalaga na malaman ng mga magulang ang mga alituntunin at regulasyon na nagbibigay ng kaayusan at pamantayan sa paaralang ito. Ito ay masinsinang tinalakay ni Bb. Ma. Pamela L. Desabelle, ang “guidance teacher”. Samakatuwid, importante ang pakikilahok ng mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Kapag mayroong kolaborasyon sa pagitan ng mga magulang, guro, mag-aaral at iba pa hinggil sa edukasyon, ay mag-uudyok ito sa pagkakaroon ng pamayanan na mapagtalima at maasikaso sa mga mag-aaral.
Ang tagumpay ng lahat ng mag-aaral ay nasusukat sa suporta ng bawat pamilya, paaralan at lipunan na kung saan magkatuwang na kumikilos sa isang tunay na pagtutulungan.