Isang panibagong taon na naman ng punuruan, 2021-2022, bagong pakikibaka ng mga guro, mag-aaral, magulang at lahat ng bumubuo sa paaralan. Masaya ngunit may halong takot na nararamdaman ang lahat sapagkat ang ating bansa ay patuloy pa ring dumaranas ng pandemya dulot ng paglaganap ng COVID-19.
Ang Fourth Estate Elementary School ay hindi natitinag sa pamumuno ng isang masigasig at napakasipag na punongguro, Gng. Apolonia F. Soriano. Nitong nakaraang ika-11 ng Setyembre, 2021, ang paaralan kaagapay ang lahat ng mga kawani nito at sa pamumuno ng butihing punongguro ay naglunsad ng Parents’ Orientation on Pre School Opening Activities (PSOA). Ito ay isinagawa sa pamamagitan ng google meet ng lahat ng mga kawani kasabay ng pagpapalabas sa Facebook. Ito ay upang ang mga magulang at mga mag-aaral ay makapanood din ng programa.
Layunin ng programang ito na maipabatid sa mga magulang ang kanilang mga nararapat gawin upang masubaybayan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak pagdating sa pag-aaral.
Dito, nabigyan ng pagkakataon na naipakilala ang magigiting na mga guro sa bawat baitang. Mayroong 13 guro mula sa Kinder, 15 sa unang baitang, 16 sa ikalawang baitang, 17 sa ikatlong baitang, 22 sa ika-apat na baitang, 21 sa ikalimang baitang, 24 sa ika-anim na baitang at limang guro mula sa SPED na may kabuuang bilang na 133 na mga guro.
Malinaw ding naipaliwanag ang mga dapat gawin o ang mga Health and Safety Protocols sa loob ng paaralan gayundin ang mga paraan sa pagkuha at paggamit ng printed at digitized modules, pamamahagi ng LGU Learning Tablets at OTG at ang mga proseso sa pamamahagi ng mga aklat. Tinalakay din kung paano bibigyan ng karampatang grado ang bawat outputs ng mga mag-aaral o assessment at ang feedback mechanisms.
Nagkaroon naman ng pagkakataong makilala ng mga magulang ang gurong tagapayo ng kanilang mga anak at guro rin sa bawat asignatura sapagkat pagkatapos ng nasabing programa ay nagsagawa ng google meet ang bawat klase upang maipabatid nila sa mga magulang ang kanilang mga panuntunan habang nasa modular types of learning ang mga mag-aaral.
Sa kasalakuyan ang Fourth Estate Elementary School ay nakapagpatala na may kabuuang bilang na 4, 259 na mga batang mag-aaral, 588 ay mula sa Kinder, 591 sa unang baitang, 583 sa ikalawang baitang, 651 sa ikatlong baitang, 655 sa ika-apat na baitang, 535 sa ikalimang baitang, 564 sa ika-anim na baitang at 92 mula sa SPED. Inaasahang ito ay madagdagan pa dahil pinalawig pa ng Kagawaran ng Edukasyon ang panahon ng pagpapatala para sa mga mag-aral hanggang sa katapusan ng buwang ito.
Tunay ngang tuloy ang laban para sa mga taga Fourth Estate Elementary School. Ang lahat ng ito ay patunay lamang na ang paaralan ay hindi sumusuko sa anumang laban o hamon ng buhay. Ito ay patuloy na makikibaka sa kabila ng lahat ng pagsubok makamit lamang ang tagumpay na inaasam para sa mga kabataan……kabataang magsisilbing pag-asa ng bayan.